Kawani ng Comelec ginilitan
LEGAZPI CITY, Albay – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 45-anyos na kawani ng Commission on Elections (Comelec) matapos saksakin at ginilitan ng ‘di-pa kilalang magnanakaw na nanloob sa kanyang kuwarto kahapon ng madaling-araw sa Barangay Centro sa bayan ng Placer, Masbate. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Romeo Cahandab, na pinaniniwalaang nanlaban kaya pinaslang. Ayon sa pulisya, may palatandaang pagnanakaw ang motibo ng pamamaslang dahil nawawala ang cell phone, gintong singsing, relo, at ang pitaka ng biktima. (Ed Casulla )
2 Globe cell site sinabotahe
Naghasik na naman ng terorismo ang mga rebeldeng New People’s Army na sinasabing may kaugnayan sa revolutionary tax matapos na pasabugin ang dalawang cell site ng Globe Telecoms sa Compostella Valley at Davao City, ayon sa ulat kahapon. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, sinabotahe ng mga rebelde ang Globe Monopole Tower sa bisinidad ng Paquibato District sa Davao City. Samantala, iniulat naman ni P/Senior Supt. Ronald de la Rosa, na sinunog din ng mga rebelde ang isa pang Globe cell site sa Brgy. Napnapan, Pantukan sa Compostella Valley. (Joy Cantos)
Negosyante itinumba
BATANGAS – Isa na namang negosyante ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng ‘di-pa kilalang lalaki sa harap ng kanyang tindahan sa bayan ng Sto.Tomas, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, Batangas police director, ang biktimang si Alejandro Balila, 44, ng Barangay Simlong, Batangas City at may-ari ng Med Tech Diesel Calibration. Ayon sa police report, nakaupo si Balila sa kanyang motorsiklo sa harap ng kanyang tindahan sa Barangay San Roque nang lapitan at pagbabarilin ng nag-iisang lalaki bandang alas-10 ng umaga. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending