96 colorum kinumpiska
KIDAPAWAN CITY – Umaabot sa 96 na sasakyan na sinasabing colorum ang naka-impound ngayon matapos magsagawa ng Oplan Bitag Sasakyan ang mga tauhan ng PNP at Presidential Anti-Colorum Task Force (PACTAF) kamakalawa sa bayan ng Matalam, North Cotabato.
Ayon sa ulat, karamihan sa mga na-impound na sasakyan ay mga traysikel na bumi biyahe sa kahabaan ng highway at ilang bahagi ng Matalam kahit walang prangkisa. Kabilang sa inimpound ay ilang motorsiklo na walang kaukulang papeles o kaya ay expired ang lisensiya ng mga drayber.
Karamihan sa mga may-ari ng sasakyan ay umalma sa operasyon ng PACTAF at sinabing masyadong malaking halaga ang ibabayad bilang multa.
Ipinaliwanag naman ng hepe ang PACTAF-North Cotabato na ni Diego Samal, na walang sasantuhin ang kanyang mga tauhan kapag lumabag sa ilalim ng batas-trapiko, kahit pa ang ilan sa kanila ay mga pulis, sundalo, LTO personnel, at mga kaanak o kaya tauhan ng mga pulitiko. Malu Manar
- Latest
- Trending