MANILA, Philippines - Umaabot na sa 15-katao ang iniulat na napatay mata pos sumiklab ang bakbakan ng magkalabang angkan dahil sa agawan sa lupain sa bayan ng Tupi, South Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Base sa ulat ni Atty. Remegio Roxas, director ng Philippine National Red Cross-South Cotabato, siyam katao na ang nasawi kamakalawa ng gabi matapos na gumanti ang katutubo ng isang tribo sa kalabang grupo.
Sa tala ng pulisya, naunang napatay ang anim na sibilyan matapos magsagupa ang magkalabang tribo sa Sitio Landayaw, Brgy. Cebuano, sa bayan ng Tupi.
Umaabot naman sa 38-pamilya ang kumpirmadong nagsilikas para ‘di-madamay sa banggaan ng tribong B’laan at grupo ng mga Kristiyano.
Kinilala naman ng pulisya ang mga suspek na sina Danny Boy Hulom, Tata Quarte, Jomarie Lagkaw at si Lucky Boy Lagkaw na nag-umpisang maghasik ng karahasan sa nabanggit na lugar.
Kinumpirma naman ni P/Senior Supt. Robert Kuinisan na gumanti ang grupo na naagrabyado noong Biyernes kung saan ‘di-nabatid ang bilang ng nasawi.
Nagsagawa na ng malawakang dragnet operation ang pangkat ng pulis-Tupi at sundalo ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army upang madakip ang mga suspek na naghahasik ng lagim sa nabanggit na bayan. Danilo Garcia