Nursing grad inutas ng nobyo
CAMARINES NORTE, Philippines – Gumuho ang pangarap at hindi na masasaksihan ang pagtatapos ngayong Marso ng isang 21-anyos na Nursing student makaraang barilin sa ulo ng kanyang nobyo sa bisinidad ng Purok 9, Dimasalang Dulo sa Barangay 8 sa bayan ng Daet, Camarines Norte, kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktimang si Jennifer Faye Mancilla, graduating student sa kursong Nursing sa La Consolacion College of Daet at residente ng Purok 3, Barangay Cobangbang sa bayan ng Daet.
Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Raymund Yu ng Diego Linan Street, Barangay 7 at miyembro ng Airsoft Association of Camarines Norte.
Ayon kay P/Senior Insp. Melito Abejero, nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang magsyota sa labas ng boarding house matapos mabalitaan ng lalaki na may ibang karelasyon ang babae na nasa ibang bansa na nagbibigay ng suporta.
Napag-alamang sinundan ng suspek ang kanyang nobya sa boarding house ng kaibigan at naganap ang matinding komprontasyon sa pagitan ng dalawa.
Dito na nagbunot ng baril ang lalaki at binaril sa kaliwang sintido ang kanyang nobya.
Nagliwanag lamang ang pag-iisip ng lalaki nang makitang bumagsak ang duguang nobya at mabilis naman inihatid sa nasabing ospital subalit nang mabalitaang namatay na ay hindi ito nagpakita sa mga awtoridad.
Narekober ng pulisya sa crime scene ang dalawang basyo ng baril at isang cal. 22 magnum na pinaniniwalaang ginamit ng suspek sa pamamaril. Francis Elevado
- Latest
- Trending