Anim na miyembro ng tribong B’laan ang nasawi nang pagbabarilin ng limang armadong lalake sa isang pananambang sa Barangay Cebuano, Tupi, South Cotabato nitong Huwebes ng hapon.
Sa phone interview, kinilala ni South Cotabato Provincial Police Director Sr. Supt. Robert Kuinisala ang mga nasawing biktima na sina Loreto Magun, Rico Yan, Gal Saligan, Decino Saligan, Irene Saligan at Karing Saligan, pawang kasapi ng tribong B’laan at mga residente ng Sitio Landayaw, Brgy. Ce buano.
Ayon kay Kuinisala ang insidente ay naganap mismo sa Sitio Landayaw, Brgy. Cebuano bandang alas-5 ng hapon.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang mga suspek na sina Danny Boy Hulom, Tata Cuarte, Jomarie Lagkaw at Lucky Boy Lagkaw.
Bigla na lamang umanong sumugod sa lugar ang mga suspek at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang 12 gauge shotgun saka mabilis na nagsitakas matapos ang krimen.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Tupi Police, sinasabi ni Kuinisala na lumilitaw na alitan sa lupa ang motibo ng pamamaslang.
Nabatid pa sa opisyal na ang mga suspect ay maraming beses na ring nasangkot sa mga kaso ng alitan sa lupa sa lugar. (Joy Cantos)