KORONADAL CITY – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang lider ng angkan at dalawa nitong alalay makaraang tambangan ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa bisinidad ng Barangay Sulit sa bayan ng Polomolok noong Martes ng umaga.
Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Datu Ombra Nilong, 72; Marjun Cami at Roberto Magalino.
Si Nilong na nirerespetong lider ng Nilong clan sa South Cotabato ay nagtamo ng labintatlong bala ng cal. 45 at 9mm pistol.
Sa ulat ni P/Supt. Raul Supiter, lumilitaw na papauwi na ang mga biktima mula sa General Santos City lulan ng kotseng kulay pulang Nissan Frontier nang harangin at ratratin ng mga ‘di-kilalang kalalakihang sakay ng kulay asul na Pajero.
“Pauwi na sila galing sa General Santos City. They were tailed by a blue Pajero car. Pagdating sa crossing ng Barangay Sulit bigla na lang nag-overtake ang Pajero at hinarangan sila,” pahayag ni Supiter.
Umaabot naman sa 40 basyo ng cal. 45 at 9mm pistol ang narekober ng mga imbestigador ng pulisya sa crime scene.
Umapela naman ang pamilya ni Nilong sa mga miyembro ng Nilong clan na manatiling kalmado sa naganap na pamamaslang at hayaan muna ang pulisya na gawin ang kanilang tungkulin.
Ayon kay Supiter, wala pa silang suspek na natutukoy dahil patuloy pa rin ang imbestigasyon. (Ramil Bajo at Malu Manar)