CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Nalalagay ngayon sa panganib ang buhay ng isang kolumnista-reporter ng national newspaper makaraang pagbantaan at murahin ng isang mayor sa Laguna kahapon dahil sa demolisyon ng kabahayan sa Barangay Lewin.
Ayon kay Paul M. Gutierrez, reporter-columnist ng People’s Tonight, papunta na siya ng Tanay, Rizal nang makatanggap ng tawag mula kay Lumban Mayor Freddie Paraiso at pagsabihan ng gago at tarantado.
Nag-ugat ang hidwaan ni Gutierrez at Paraiso habang nagkokober ang reporter sa nagaganap na tensyon sa pagitan ng mga residente ng Barangay Lewin at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Lumban dahil sa napipintong demolisyon.
Para makuha ang panig ng mayor kaugnay sa nalalapit na demolisyon, tinawagan ni Gutierrez, si Mayor Paraiso sa cell phone.
Ayon kay Gutierrez, sinabi sa kanya ni Mayor Paraiso na wala na siyang magagawa sa demolisyon dahil may court order na ito, na siya namang inulit ni Gutierrez sa mga nag-aalmang residente.
Dahil dito, nag-alburuto at nagalit si Mayor Paraiso kay Gutierrez sabay sabi umano ng - “Putang ina mo, huwag kang pupunta dito (Lumban), may paglalagyan ka, ginugulo mo kami!”
Mariin namang itinanggi ni Mayor Paraiso na minura niya si Gutierrez at ang tangi niyang sinabi ay “wala na akong magagawa kasi may court order… unless may intervention… but we are exerting all efforts… magbibigay din kami ng financial assistance (sa mga apektadong residente),”
Sinabihan din niya si Gutierrez na huwag nang makialam sa kanilang problema dahil lalo lamang daw itong nakakagulo sa sitwasyon. (Arnell Ozaeta)