4 todas sa cargo truck
ILOILO CITY, Philippines – Malawakang dragnet operation ang inilatag ng pulis-San Joaquin laban sa drayber ng cargo truck na nakasagasa at nakapatay sa apat na sibilyan noong Biyernes ng gabi sa kahabaan ng highway sa Barangay Sta. Rita sa bayan ng San Joaquin, Iloilo.
Kinilala ni PO3 Rolando Sensida, traffic investigator ng San Joaquin PNP, ang suspek na si Remuel P. Carale na sinasabing nagtatago sa bayan ng Ajuy matapos masagasaan ang mga bikti mang sina Leizel Sefil, 33; anak na si Christian Mark Sefil, 10; pamangking si Joelo Sefil, 4; at si Francis John Fermaran, 4.
Kabilang naman sa nasugatan ay sina Nelson Alberca, Alvin Arabia at si Renan Naranjo, na nakatayo lamang sa gilid ng highway.
Napag-alamang bumibili lamang ng barbecue ang mga biktima sa isang tindahan na nasa gilid ng highway nang sumalubong si kamatayan.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, si Carale ay patungong Iloilo mula sa bayan ng Antique nang mag-overtake ang kanyang cargo truck sa sinusundang public utility van.
At dahil sa may namataang kasalubong na pampasaherong bus ay mabilis nitong kinabig ang truck na may plakang TGV 952 subalit bumaling sa shoulder ng highway kung saan nagkataon naman nakatayo ang mga biktima.
Ayon sa pulisya, nadamay at nawasak din ang ilang tindahan, dalawang motorsiklo, van at multicab na nakaparada sa gilid ng highway. Ronilo Pamonag
- Latest
- Trending