MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang biyuda makaraang barilin ng kanyang manliligaw na lolo na nagpakamatay naman kamakalawa sa bisinidad ng Barangay Matina, Davao City.
Napuruhan sa ulo ng bala ng baril ang biktimang si Evelyn Mateo habang nagbaril naman sa sarili at namatay ang suspek na si Jacinto Montargo, 62, biyudo.
Sa naantalang police report na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na matinding depress ang dumapo sa matandang Montargo matapos tanggihan ng babae ang kanyang pag-ibig.
Napag-alamang matagal na ring nagtiyagang manligaw ang matanda at kung anu-anong bagay ang naibigay para lamang makamtam ang pag-ibig ng nililiyag.
Napag-alamang bago maganap ang trahedya ay naikuwento ng matanda sa ilang kaibigan na may masamang magaganap kapag hindi tinanggap ang kanyang pag-ibig.
Ayon sa ulat, noong Miyerkules ay nakakita ng pagkakataon ang suspek at sinamantala ang pag-iisa ng biktima sa bahay.
Dakong alas-4 ng hapon ay nagkunwaring dadalaw lamang ang matanda sa bahay ng biktima subalit nang muling ipamukha ng biyuda na hindi niya ito matatanggap bilang nobyo ay walang sabi-sabing binaril at kaagad na sumalubong si kamatayan.
Nang matiyak na patay na si Mateo ay saka nagbaril sa sarili si Montargo. Joy Cantos