MANILA, Philippines - Nasa malubhang kalagayan pa habang isinusulat ito ang isang limang taong gulang na batang babae matapos itong aksidenteng tamaan ng ligaw na bala ha bang natutulog sa kanilang tahanan sa Barangay Bakhaw, Mandurriao District, Iloilo City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong Lyn, residente sa lugar na nagtamo ng tama ng bala sa likod.
Ang bata ay patuloy na isinasalba ang buhay sa Western Visayas Medical Center.
Naganap ang insidente sa labas ng tahanan ng pamilya ng biktima habang may mga naglalaro dito ng tong-its dakong alas-12:30 ng hatinggabi.
Nag-ugat ang insidente ma tapos galit na sunduin ng suspek na kinilala lamang sa pangalang Eping ang kaniyang misis na si Lily Ann Lim, 28 anyos ng Landheights Subdivision, Jaro District ng lungsod.
Nang tumangging umuwi si Lily Ann na ayaw paawat sa tong-its ay nagalit si Eping at pinukpok ito ng baril sa ulo.
Aksidente namang pumutok ang nasabing baril dahilan nakalabit ni Eping ang gatilyo nito na ang bala ay tumama sa natutulog na biktima. (Joy Cantos)