BULACAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng 4-katao kabilang ang isang menor-de-edad matapos masakote ng pulisya sa isinagawang drug bust operation kamakalawa ng hapon sa bisinidad ng Barangay Sta. Clara, Sta. Maria, Bulacan. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Edgar Villa, 20; Moises Aaron Ordoñes 19; Norvin Golecruz, 27, habang isinailalim naman sa custody ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development ang menor-de-edad na suspek. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Marcos Rivero, nakumpiska sa mga suspek ang anim na sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang brick ng marijuana at motorisklo na sinasabing ginagamit ng mga suspek sa modus operandi. Boy Cruz
3 tiklo sa nakaw na kalabaw
BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng tatlong kalalakihan makaraang maaktuhan ng pulisya sa pagnanakaw ng kalabaw na sinasabing pag-aari ni Paombong Mayor Donato Marcos kamakalawa ng gabi sa Barangay Capihan, San Rafael, Bulacan. Pormal namang kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Jay Liberato, Marcelino De Leon, at si Martin De Leon na pawang mga residente ng BarangayTibag, Baliwag, Bulacan. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt Allen Bantolo, naaresto ang tatlo matapos tumawag sa pulisya ang katiwala ni Mayor Marcos kaugnay sa nagaganap na nakawan sa Marcos Compound. Kaagad naman rumesponde ang pulisya at naaktuhan ang tatlo na hila-hila ang kalabaw palabas ng compound. Boy Cruz
Biyudo inutas ng holdaper
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 55-anyos na biyudo ng tatlong kalalakihan na sinasabing holdaper kamakalawa ng gabi sa Barangay Batang, Irosin, Sorsogon. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Samson Morgia ng Barangay Gumapin. Matapos mapatay ang biktimang naglalakad ay tinangay ang belt bag at cell phone nito bago tumakas sakay ng motorsiklo (PX 2947) patungo sa direksyon ng Brgy. San Isidro. Ed Casulla
Nanlaban sa snatcher dinedo
RIZAL, Philippines – Binaril at napatay ang isang 31-anyos na lalaki makaraang manlaban sa cellphone snatcher, kamakalawa ng umaga sa binisidad ng Sitio Maagay, Brgy. Inarawan, Antipolo City. Napuruhan sa ulo ng bala an baril ang biktimang si Rodel Abonales, 31, ng nabanggit na barangay. Base sa police report, lumilitaw na papasok sa kanyang trabaho ang biktimang nagti-text nang hablutin ang cellphone. May teorya ang pulisya na nanlaban ang biktima kaya ito binaril ng suspek. Nanawagan naman ang mga residente sa pulisya na paigtingin ang pagpapatrulya dahil sa pagdami na ng mga holdaper na nambibiktima sa mga residente lalo na iyong mga inaabot ng hantinggabi o madaling-araw ang uwi o pasok sa trabaho. Danilo Garcia
Mister dinedo ng bayaw
DUMANGAS, Iloilo, Philippines - Pinaniniwalaang matinding selos ang umiral kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 42-anyos na mister ng kanyang bayaw kahapon ng madaling-araw sa panulukan ng Del Pilar at Buenaflor Street sa bayan ng Dumangas, Iloilo. Napuruhan sa ulo at dibdib ang biktima na si Reynaldo Orbadilla ng Barangay Jardin sa bayan ng Dumangas habang naaresto naman ang suspek na si Reyland Depaloma, 42. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, sinundan ng suspek ang biktima mula sa kanilang bahay at pagdating sa naturang lugar para maghintay ng sasakyan ay kaagad na pinagbabaril. Sa pagsisiyasat, lumilitaw na selos ang motibo ng suspek sa kapatid ng kanyang misis na sinasabing may relasyon ang mga ito. Napag-alaman na sa San Carlos City, Negros Occidental namamasukan ang suspek kaya’t madalas maiwan sa kanilang bahay ang asawa nito at bayaw. Joy Cantos