KIDAPAWAN CITY, Philippines – Pinaniniwalaang malawakang sibakan sa trabaho ang isa sa motibo kaya sinunog ang isang heavy equipment ng Japan-owned Sumifru Corporation sa Sitio Tomontong, Barangay Datu Celo sa bayan ng Magpet, North Cotabato, noong Valentine’s Day. Ayon sa police report, iniwan lang ng backhoe operator ang kanyang unit sa gitnang bahagi ng plantasyon ng saging sa may boundary ng Barangay Datu Celo at Basak, noong umaga ng Sabado. Pagbalik ng operator ay sunog na ang kanyang unit na sinasabing pag-aari ng kontratistang si Benjamin Tan na nakabase sa Davao City. Dalawang anggulo ang tinitingnan ng pulisya kung saan inside job ang panununog o kaya ay may kinalaman sa naganap na mass lay-off ng Sumifru Corporation na karamihang nasibak ay mga residente ng Magpet. Malu Manar
2 MILF utas sa encounter
MANILA, Philippines - Dalawang armadong miyembro na grupong Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang iniulat na napaslang kahapon ng madaling-araw makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa liblib na bahagi ng Brgy. Upper Dado, Alamada, North Cotabato. Sa report ng Army’s 6th Infantry Division (ID), ang sagupaan ay nag-ugat sa pag-atake ng rebeldeng MILF renegades sa detachment ng Cafgu at Civilian Volunteer Organization. Nagpaputok ang mga umaatakeng kalaban ng 60mm mortar at rocket propelled grenade kung saan isang sibilyan ang naiulat na nasugatan na nakilalang si Rafael Gabrido. Sa kasagsagan ng bakbakan ay napatay ang dalawang MILF na inabandona ng mga nagsitakas na kasamahan sa takot na lalong malagasan. Kaugnay nito, umabot na sa 200 pamilya ang naapektuhan dahil sa patuloy na kaguluhan. Joy Cantos
22 tiklo sa illegal fishing
BULACAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng 22-katao makaraang maaresto ng mga awtoridad sa illegal fishing sa karagatang sakop ng Malolos City, Bulacan. Kabilang sa mga mangingisda na kinasuhan ay sina Francis Noel Legaspi, Perry Mojena, Cerilo Almario, Fedelito Victoria, Aghamin Marquez, Domingo Hepa, Guillermo Dela Cruz, Magno Marquez, Melvin Pio, Richard Moraleda, Leopoldo Roque, Rosauro Roque 38, may-asawa, Marvin Guevarra, Orlando Cruz,Tony Aguilar, Renito Villoga, Norberto Docabo, Miloy Rapiro, Rodrigo Patenia, Bong Arroyo ng Subic, Zambales, Raymond Avilla, at si Ruel Genata. Nakumpiska ang 6-bangkang de-motor, 6-sudsod, mga lambat, kawayan at 16-banyera na naglalaman ng mga iba’t ibang uri ng isda. Boy Cruz