3 mag-uutol nilamon ng apoy

CEBU – Magkakasabay na kinarit ni kamatayan ang tatlong magkakapatid ma­karaang makulong sa ka­nilang bahay na nasunog kamakalawa ng gabi sa Barangay Babag  II, Lapu-Lapu City, Cebu.

Ayon kay P/Senior Supt. Mariano Natuel, natagpuang magkakayakap pa at nag­mistulang mga uling ang kata­wan ng mag-uutol na sina Yenchelle Sanchez, 10; Yenche Marie Sanchez, 8; at si Mike John Sanchez, 5, na pawang anak ng mag-asawang Michael at Jocelyn Sanchez.

Ayon kay Chief Inspector Ricardo Cornello, city fire marshall ng Lapu-Lapu City Bureau of Fire Protection (BFP), semi-concrete ang tahanan ng pamilya San­chez na napapalibutan ng re­­has na bakal ang mga bin­tana at pintuan.

Napag-alaman mula kay F/Chief Insp. Cornello na naiwan sa bahay ang tatlong bata habang kapwa nama­masada ng pampasaherong jeepney ang mag-asawang Sanchez kung saan, ang ama ay drayber habang kondoktor naman ang ina.

Sa pahayag ng mga  ka­pitbahay at kamag-anak ng mga biktima, sumigaw pa ang nag-iiyakang magka­kapatid subalit hindi naman mabuksan ang pintuan ng bahay dahil naka-padlock at may grills pa ang mga bintana.

Lumilitaw naman sa pag­sisiyasat na ang na­tum­bang kandila ang pi­nag­mulan ng sunog  dahil naputulan ng linya ng kuryente ang pa­milya Sanchez.

Sising alipin naman ang pabayang mag-asawa nang madatnan ang naabo nilang tahanan habang naitala naman sa P60,000 ang pin­sala sa sunog. (Edwin Ian Melecio at Joy Cantos)

Show comments