P.5M payroll tinangay
RIZAL, Philippines – Tugis ngayon ng pulisya ang drayber na sinasabing tumangay ng P.5 milyong pampasuweldo sa kanyang mga kasamahan sa kompanya sa bayan ng Taytay, Rizal, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat ni P/ Supt. Manuel Pion kay P/Supt. Ireneo Dordas, kinilala ang suspek na si Joel Loyola, 34, company driver ng Saehan Garment Corp. sa Alena Compound sa Brgy. San Juan.
Sa police report, lumilitaw na nag-widraw ng malaking halaga sa Banco de Oro sa Manila East Road ang sekretaryang si Camel Paralejas, kasama ang suspek.
Matapos makapagwidraw ay sumakay na sa Toyota Innova (ZFK-926) si Paralejas subalit inagaw ng suspek ang bag na naglalaman ng pera kaya nanlaban ang babae.
Walang nagawa ang babae matapos saksakin sa kaliwang braso saka tumakas ang suspek tangay din ang sasakyan ng kompanya. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending