CANDON CITY, Ilocos Sur, Philippines – Isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency at isa niyang anak na lalake ang pinagbabaril hanggang mapatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin kamakalawa ng gabi sa lunsod na ito.
Ayon kay Benzon Abaco, hepe ng PDEA-Ilocos Sur, kilala ang biktimang si Edward Gautani bilang masugid na tagasugpo ng sangkot sa mga bawal na gamot.
“Sigurado akong may kinalaman sa kanyang trabaho ang pagkakapatay sa kanya at sa kanyang anak. Isa siya sa magagaling kong ahente,” sabi pa ni Abaco.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat na patungo sa isang videoke bar sa Barangay Darapidap ang mag-ama nang pagbabarilin sila ng mga salarin. Gagradweyt na sana sa high school ang anak ni Gautani na si Edward Jr. nang mapatay ito. (Teddy Molina)