MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang terorista sa isinagawang magkahiwalay na operasyon ng military sa Mindanao.
Sa ginanap na press briefing sa Camp Aguinaldo, iprinisinta ni Executive Secretary Eduardo Ermita at ng mga opisyal ng Anti -Terrorism Council sa mediamen ang mga nasakoteng suspek na sina Omar Venancio, senior JI member sa Pilipinas at Special Operations Group (SOG) ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) rogue elements Commander Ameril Umbra Kato at Mokasid Dilna ng Al Khobar extortion and bombing group.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Branch 32 ng Mati Regional Trial Court Branch 32 sa Davao Oriental, inaresto si Venancio ng mga tauhan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Army Intelligence at PNP sa bahagi ng Central Mindanao.
Nabatid na si Venancio na sinasabing kaalyado rin ni Dilna na nagturo sa paggawa ng bomba noong 1997 at tumatayong adviser nito ay kasamahan din ni JI member Umar Patek, na sangkot sa madugong Bali bombing sa Indonesia noong Oktubre 12, 2002 na ikinasawi ng 202-katao.
Samantala, si Mokasid, na gumagamit ng mga alyas “Abu Badrin, Moks, Ting Adil atbp. ay pinuno ng Al Khobar extortion gang na sangkot sa serye ng pambobomba sa Central Mindanao simula pa noong 2007.
Si Mokasid ay nasakote sa Zamboanga City noong Enero 29 subalit hindi kaagad naiprisinta sa mediamen dahil kailangan pa silang isailalim sa tactital interrogation.
Kabilang sa kinasangkutan ng grupo ni Mokasid ay ang pambobomba sa terminal ng Weena, Yellow Bus Lines at Metro Shuttle companies sa mga lungsod ng Davao at Cotabato.
Patuloy namang isinasailalim sa masusing tactical interrogation and dalawang terorista. Joy Cantos at Malu Manar