2 holdaper utas sa barilan
BULACAN, Philippines– Dalawang armadong kalalakihan na sinasabing nangholdap sa rice center na pag-aari ni ex- NCRPO chief General Vidal Querol, ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Barangay Sabang sa bayan ng Baliuag, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Isa sa napatay ay nakilalang si Ronnie Itura, 40, tubong Madalag, Aklan, habang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng isa.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Allen Bantolo, Bulacan police director, lumilitaw na magsasara na sana ang Marah Rice Center na pag-aari ng pamilya Querol nang holdapin ng mga armadong kalalakihan.
Nagkataon namang nagpapatrolya ang mga tauhan ni P/Supt. Manaranay Lopez ng 306th Police Provincial Mobile Group at namataan ang mga armadong kalalakihan na papatakas bitbit ang nakulimbat.
Dito na nakipagbarilan ang mga holdaper laban sa tumutugis na mga operatiba hanggang sa mapatay ang dalawa habang sugatan naman ang isa pa na si Richard Sto. Tomas na ngayon ay nasa Bulacan Provincial Hospital sa Malolos City.
Si Sto. Tomas, ay tinamaan ng ligaw na bala ng baril habang nagaganap ang shootout at sinasabing hindi kasama sa mga nangholdap sa rice center ni Querol, subalit minomonitor at binabantayan ng pulisya ang nasabing ospital kung saan ginagamot ang sugatang si Sto. Tomas.
Narekober ng mga pulis ang kinulimbat na P84,000, dalawang motorsiklo, dalawang baril, at isang granada na ginamit ng dalawa. Dagdag ulat ni Joy Cantos
- Latest
- Trending