DAET, Camarines Norte – Sa kauna-unahang pagkakataon, naipanalo ng dalawang Pinoy ang una at ikatong puwesto ng 1st International Kite Boarding Competition na ginanap sa Bagasbas Beach sa bayan ng Daet, Camarines Norte noong Linggo.
Sa pagtatapos ng apat na araw na competisyon na nagsimula noong Huwebes (Peb.5-8), nakopo ng Pinoy na si Ken Nacur ang freestyle samantala, pangalawang puwesto naman ay nasungkit ni Taner Aykurt ng Turkey at ang ika-3 puwesto ay ang Pinoy na si Duke delos Santos.
Kabilang din sa nagwagi ay sina Lorena Nelmann ng Sweden; Katrin Horgwardt ng Germany; Anna Simlund ng Spain. Samantala, sa larong bordercross ay nanguna naman sina Andrea Grandulfo ng Italy; Ken Nacur ng Philippines at si Frederick Soupast ng Belgium.
Labis ang pasasalamat ni Daet Mayor Tito S. Sarion sa taumbayan at kay Mike Gambrill na nakiisa sa matagumpay na pagdaraos ng nasabing kompetisyon na naging daan upang lalong makilala sa ibang bansa ang Bagasbas Beach ng mga turista. (Francis Elevado)