2 Abu utas sa Marines
Dalawang bandidong Abu Sayyaf na pinaniniwalaang kumidnap sa tatlong titser ang iniulat na napaslang makaraang makasagupa ng tropa ng Philippine Marines na nakadiskubre sa pinagtataguan ng mga bihag sa liblib na bahagi sa bayan ng Akbar, Basilan kahapon ng madaling-araw.
Gayon pa man, bigo ang mga sundalo na masagip ang tatlong titser na kinidnap ng nasabing grupo.
Kasalukuyan pang inaalam ng militar ang pagkakilanlan ng dalawang napatay na kidnaper na kabilang sa grupong pinamumunuan ni Kumander Muntong.
Sa ulat ni 1st Marine Brigade Commander Brig. Gen. Rustico Guerrero, lumilitaw na ginagalugad ng tropa ng militar ang masukal at ma gubat na bahagi ng bayan ng Akbar nang makasagupa ang grupo ng mga kidnaper.
Ayon sa ulat, narekober sa pinangyarihan ng sagupaan, ang bangkay ng dalawang kidnaper, dalawang M1 garand rifles, limang rifle grenade, 10 clips at 42-bala para sa M1 garand rifle.
Kabilang sa tatlong bihag na guro na naitakas ng mga bandido ay sina Rafael Mayonada, Quizon Freires at Jeannette de los Reyes na pawang kinidnap sa karagatan ng Manicahan sa Brgy. Sacol, Zamboanga City noong Enero 23.
Matatandaan na humingi ng P6 milyong ransom ang mga kidnaper kapalit ng pagpapalaya sa tatlong bihag.
Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng Phil. Marines habang patuloy ang search and rescue operations para masagip ang mga bihag. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending