Seaman todas sa hitchhiker
BAGABAG, Nueva Vizcaya – Isang seaman ang agad na binawian ng buhay matapos walang awang pagsasaksakin ng isang lalaki na kanyang isinakay sa provincial road ng ba yang ito kamakalawa ng umaga.
Ayon kay PS/Insp. Maciste Extor Serrano, hepe ng Bagabag Police station, ang biktima na nagtamo ng 18 saksak sa katawan ay nakilalang si Mario Bared, 62, seaman at residente ng Barangay Murong sa bayang ito habang ang suspek ay nakilalang si Lope Sanchez Jr., 32, ng Barangay Mabini, Malunay, Quezon.
Ayon sa ulat, dakong alas 8:30 ng umaga kamakalawa, papauwi ang biktima gamit ang isang tricycle nang makita ang suspek sa daan kaya nagmagandang loob ito na isakay si Sanches.
Subalit pagdating sa isang bakanteng lugar patungong Barangay Murong na tinitirhan ng biktima nang bigla na lamang siyang pagsasaksakin ng suspek ng 18-beses sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan na agad nitong ikinamatay.
Agad naman na nasukol ng mga residente sa pangunguna ng mga Bantay Bayan ang suspek at agad na dinala sa himpilan ng pulisya.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng mga awtoridad ang suspek habang inaalam pa kung ano ang motibo nito sa krimen na kanyang ginawa.
- Latest
- Trending