BATANGAS – Lima-katao na pinaniniwalaang sangkot sa mga kasong kriminal ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng Rosario, Batangas kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Supt. Flaviano Garcia Jr., police chief ng Rosario, ang mga suspek na sina Ramon Mapintuan, Rommel Milachico at si Benjie Diamante, mga trabahador sa Meliza Farm sa Brgy. Salao at inaresto dahil sa anim na baril na walang lisensya. Samantala, naaresto naman ang magka-live-in na sina Christian Dan Rodriguez at Michelle King Panganiban dahil sa pag-iingat ng1-kilong marijuana. Dinakip ang mga suspek sa bisa ng dalawang search warrant na inisyu nina Judge Ceasar Mangrobang ng Imus Regional Trial Court Branch 22 sa Cavite at Judge Eutiquio Quitain ng Lemery Regional Trial Court Branch 5 sa Batangas. Arnell Ozaeta
2 ‘Pasuyop Gang’ arestado
KIDAPAWAN CITY – Kalaboso ang binagsakan ng dalawang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng Pasuyop Gang makaraang maaresto ng pulisya sa tangkang pagnanakaw ng gasolina sa mga nakaparadang sasakyan sa Brgy. Sarabia, Koronadal City, South Cotabato kamakalawa ng gabi. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Edilberto Camaso, at Domingo Sumagaysay, kapwa residente ng Polomolok, South Cotabato. Ayon sa pulisya, walang maipakitang balidong driver’s license si Camaso habang nakumpiska sa dalawa ang kulay puting Isuzu Elf (WPS 501) na expired na ang rehistro, 10-metrong haba ng hose at walong plastic container na sinasabing ginagamit sa modus operandi. Malu Manar
Pasugalan sa Romblon itinanggi
Mariing pinabulaanan ng isang opisyal ng lokal ng sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot siya sa pasugalan sa may 17 bayan sa Romblon. Sa liham na may petsang Enero 30, 2009, na nilagdaan ng hepe ng Public Information Division ng DPWH na si Elizabeth Pilorin, itinanggi ng DPWH Romblon District Engineering Office, ang alegasyong sangkot ang isang alyas “Dodong loteng”na sinasabing opisyal ng lokal na sangay ng DPWH sa operasyon ng loteng sa Romblon. “Isang demolition job at politically motivated lamang ang layunin para siraan ang personalidad ng isang opisyal ng DPWH,” nakasaad sa liham ng district engineer na nakabase sa bayan ng Odiongan, Romblon.