E-trike inaprobahan ng LTO
MALOLOS CITY, Bulacan — Pumasa na kahapon sa inspeksyong isinagawa ng Land Transportation Office ang naimbentong electric tricycle (e-trike) ng isang konsehal sa bayan ng Marilao, Bulacan.
Gayon pa man, hindi pa ipinalalabas ang plakang kulay orange nito dahil magsasagawa pa ng isa pang inspection sa pagawaan sa nabanggit na bayan.
“Pasado na kami sa speed and carrying capacity test, at umaasang ipagkakaloob ang kauna-unahang plaka sa lalong madaling panahon,” pahayag ng nakaimbento ng e-trike na si Councilor Allan Aguilar.
Sinabi pa ni Aguilar na tanging ang inspection sa kanilang pagawaan ang isasagawa ng LTO upang sila ay pagkalooban ng manufacturers accreditation at plakang kulay orange na may numerong 1111.
Nabatid na nakapasa ang e-trike na inilunsad noong Nobyembre 10 sa 40-kilometer per hour maximum speed, at sa 250 kilogram carrying capacity sa kalsadang paakyat.
Napag-alaman na walang ingay, usok at matipid sa konsumo ng kuryente dahil isang araw na operasyon nito ay gagastusan lamang ng P20 kumpara sa de-gasolinang traysikel na umuubos ng P250 ng gasolina bawat araw. Dino Balabo
- Latest
- Trending