Pinaniniwalaang natakot na ipakulong ng kaniyang amo dahil sa pagkadispalko ng malaking halaga, isang sekretarya ng kompanya ang iniulat na nag-suicide sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo sa bisinidad ng Molo, Iloilo City, Iloilo, kamakalawa.
Kinilala ng pulisya ang biktima sa pangalang Julie Fe, 27, ng Zone 3, Molo, Iloilo City.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagpakamatay ang sekretarya sa loob mismo ng pinagtatrabahuhang Royal Builders Supply sa Valeria St., sa Iloilo City.
Napag-alamang nabuking ng kanyang among si Raymond Coo, may-ari ng nasabing kompanya ang pagkawala ng malaking halaga kung saan ang biktima ang sinasabing humahawak.
Bunga nito, nagpunta si Coo sa himpilan ng pulisya upang ipa-blotter at imbestigahan ang pagkawala ng malaking halaga.
Kasunod nito, pagbalik ni Coo sa kanyang kompanya ay bumulaga ang duguang katawan ng biktima.
May teorya ang pulisya na natakot makulong ang biktima at dahil sa kahihiyang idudulot ay nagdesisyong mag-suicide. Joy Cantos