P1.7 milyon 'damo' nasamsam

BAGUIO CITY – Tina­tayang aabot sa 42 kilong pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.7 milyon ang nasa­bat ng mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency na nagresulta sa pagka­kadakip ng dalawa-katao sa isinagawang operasyon sa Naguillan Road sa Baguio City kamakalawa ng gabi.

Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga sus­pek na sina Domingo Ton­gali at Martin Madin, kapwa naninirahan sa ba­yan ng Bakun, Benguet.

Ayon kay P/Chief Inspector Edgar Apalla, na­harang sa checkpoint ang 42-bricks ng marijuana na sinasabing tinabunan ng mga gulay habang lulan ng trak na may plakang ZKM 699.

Nadiskubre ang bultu-bultong marijuana matapos na makatanggap ng im­pormasyon ang mga tau­han ng PDEA-CAR kaya naglatag ng checkpoint sa Naguilan Road sa may hangganan ng Brgy. Lam­tang, La Trinidad at sa Brgy. Irisan, Baguio City.

Tumanggi naman pa­ngalanan ng PDEA ang pagdadalhan ng marijuana habang isinailalim na sa masusing pagmamanman.

Patuloy namang mino­monitor ng PDEA-CAR ang operasyon ng sindikato ng droga na si­nasabing ibi­nibiyahe sa karatig lala­wigan at Metro Manila. Artemio Dumlao at Danilo Garcia

Show comments