Pansamantalang ginawang mga guro sa elementary school ang ilang pulis sa Brgy. Landang Gua, Sacol Island, Zamboanga City matapos na dukutin ng mga bandido ang tatlong guro sa karagatan ng nasabing isla noong Enero 23.
Napag-alamang matindi ang takot ng mga guro kaya tumanggi munang magsipagturo bunsod ng patuloy na kidnapping threat ng mga bandido sa kanilang hanay.
Ayon kay P/Senior Supt. Angel Sunglao, ilang pulis na nagtapos ng education course, ang pansamantalang hahalili sa mga bihag na sina Janette delos Reyes, Freirez Quizon at Rafael Mayonada.
Nabatid na ang tatlong guro ay hawak ng mga bandidong Abu Sayyaf Group at Moro Islamic Liberation Front (MILF) renegades na pinamumunuan nina Commander Bud Abu at Usman Lidjal.
Sa kaniyang pagbisita sa isla, tiniyak ni Sunglao sa mga guro na ginagawa ng pulisya ang lahat ng makakaya para mapalaya ang tatlo nilang mga kasamahang guro.
Samantala, patuloy naman ang pag-apela ng pamilya ng mga bihag na palayain ang mga ito dahil wala silang pambayad sa P6 milyong ransom demand ng mga kidnaper.
Magugunita na ang tatlong guro ay dinukot matapos harangin ang pampasaherong bangka na sinasakyan ng mga ito noong Enero 23 sa karagatang sakop ng Manicahan sa Sacol Island ng Zamboanga City. (Joy Cantos)