Sulyap Balita
3 pulis todas sa NPA
Napaslang ang hepe ng pulisya at dalawa nitong tauhan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa highway na sakop ng bayan ng Bansalan, Davao del Sur kahapon ng tanghali. Kabilang sa mga na paslang ay sina P/Senior Inspector Emilex Mabalot, hepe ng pulisya sa bayan ng Bansalan; PO2 Vernie Louis Humol at si PO3 Noel Salces, habang nasugatan naman si SPO4 Efren Suico. Batay sa ulat ni P/Senior Supt. Cesario Darantinao na nakarating sa Camp Crame, naganap ang pananambang sa bisinidad ng Sitio Balagonon, Brgy. Managa kung saan sakay ng patrol car ang mga biktima pabalik na sa himpilan ng pulisya mula sa isang Brgy. sa nabanggit na bayan. Sa nasabing pag-atake ay hindi tinamaan ang drayber ng patrol car at ang isang intelligence officer ng Bansalan MPS makaraang makipagbarilan sa mga rebelde na sinasabing mga tauhan ni Alyas Kumander Jasmin ng Front Committee 51. (Joy Cantos)
Pulis- Pangasinan itinumba
PANGASINAN – Napatay ang isang alagad ng batas habang sugatan naman ang nakabarilan ng una sa paradahan ng sabungan sa Barangay San Aurelio 1st sa bayan ng Balungao, Pangasinan noong Sabado ng gabi. Kinilala ang nasawi na si SPO1 Rufo Dalisay, 44, ng Pangasinan PNP provincial office sa bayan ng Lingayen, habang naaresto naman ang sugatang suspek na si Ronald Pine. Sa inisyal na pagsisiyasat, ang biktima at isa nitong kaibigan ay papasakay na sa kotse nang lapitan at barilin ng suspek. Napag-alamang bago mapatay ang biktima ay nabaril nito ang suspek sa likurang bahagi ng katawan. (Cesar Ramirez)
P10M kontrabando nasabat
Subic bay Freeport – Tinatayang aabot sa P10 milyong kontrabando ang nasabat ng mga tauhan ng Presidential Anti Smuggling Group-Task Force Subic kamakalawa sa Tipo Gate, Subic, Olongapo City. Sa ulat na nakarating kay PASG-TFS deputy director Edmund Arugay, lulan ng dalawang 10-wheeler truck (CWY 101 at CVB 564) ang tangkang pagpuslit ng imported na tela nang nasabat. Napag-alamang idineklarang assorted scarp ang kontrabando subalit nang suriin ng mga operatiba ng PASG-TFS ay pawang imported textile na pag-aari ni Neil Perez ng Brgy. Dona sa bayan ng Orani, Bataan. (Alex Galang)
Grenade blast: Bata utas
Napaaga ang salubong ni Kamatayan sa isang 12-anyos na lalaki habang nasa kritikal naman ang kapatid nitong 2-anyos na babae makaraang sumabog ang granada na pinaglaruan ng mag-utol sa Don Marcelino, Davao de Sur kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Jerry Pangilan, habang ginagamot naman sa Casuga Medical Clinic sa bayan ng Malaita ang utol na si May-May na kapwa residente ng Sitio Calamasan sa Brgy. Dalupan. Ayon sa imbestigasyon, napulot ni Jerry ang nasabing rifle grenade sa masukal na bahagi ng naturang lugar. Bunga ng kamusmusan ay inakala ng bata na laruan lamang ang granada kaya inuwi at pinaglaruan. Gayon pa man, biglang sumambulat ang Granada kaya nalasog ang katawan ni Jerry at nadamay ang kanyang kapatid na babae. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending