Mister piniko ni misis, patay
Sumabog ang kinikimkim na galit ng isang 43-anyos na misis makaraang hatawin ng piko sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa mapatay ang kanyang mister habang natutulog sa loob ng kanilang tahanan sa bayan ng Sta. Cruz, Davao del Sur kamakalawa.
Nakatirik pa ang mga mata ng biktimang si Anastacio Gumahid sa tinamong tatlong tama ng piko sa ulo at puson.
Kalaboso naman ang suspek na si Susana Gumahid, may pitong anak at residente ng Sitio Maligaya, Sinoron, sa bayang nabanggit.
Batay sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen kamakalawa matapos na samantalahin ng suspek, na ang kanyang mister ay senglot at mahimbing na natutulog.
Nang masigurong patay na ang biktima ay itinapon pa ng suspek sa sapa ang bangkay nito malapit lamang sa kanilang tahanan.
Sa presinto, sinabi ng suspek sa mga imbestigador ng pulisya na inunahan lamang niya ang biktima matapos siyang pagbantaang papatayin.
Napag-alamang tinangkang lasunin ng biktima ang kanyang misis noong Biyernes ng Enero 30.
Nabatid pa na sa tuwing malalasing ang biktima ay palagi nitong ginugulpi ang kaniyang misis at bukod dito ay marami itong rekord sa panggugulo sa naturang barangay.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya ang krimen.
- Latest
- Trending