P5.4M kontrabando nasamsam
Subic Bay Freeport – Tinatayang aabot sa P5.4 milyong halaga ng kontrabando na sinasabing tangkang ipuslit ang nasabat sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Presidential Anti Smuggling Group-Task Force Subic at lokal na pulisya sa bahagi ng Barangay Nagbalayong sa bayan ng Morong, Bataan.
Sa ulat ni Maj. Manuel Hiadan Jr., hepe ng PASG –TFS na nakarating kay PASG Chief Usec. Antonio Villar Jr., ang nasabat na kontrabando na nasa 130 kahon na imported na sigarilyo ay naka-consigned kay Mei Jocson ng #2536 Molave St., Nerabel Subd., Mabalacat, Pampanga.
Sumasailalim na sa tactical interrogation sina Alvin Mamangon at Ramos Santos na kapwa drayber ng kulay puting Mitsubishi L-300 van (TFX 823) at kulay asul na Hundai Grace van (RES 874), samantalang tugis naman ng mga awtoridad ang isa pang drayber ng kulay berdeng van.
Nasabat ang milyong halaga ng kontrabando matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na may ipupuslit na imported na sigarilyo palabas ng Subic Bay Freeport.
Binigyan naman ng komendasyon ni PASG Chief Usec. Antonio Villlar ang pangkat ni Major Haidan. Alex Galang
- Latest
- Trending