Sto. Tomas, Batangas – Isang konsehal at tatlong barangay tanod ng bayang ito ang mga namatay samantalang dalawa naman ang sugatan matapos maganap ang isang away sa trapiko rito kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Supt. Manuel Manalo, hepe ng Sto. Tomas PNP, ang namatay na konsehal na si Sto. Tomas town Councilor Adolfo Manipol at ang mga tanod na sina Arcadio Mendoza, Teodoro Ramos at Antonio Mendoza ng Barangay Santisimo Rosario ng San Pablo, Laguna
Sugatan naman sa naganap na karahasan sina Santisimo Rosario Councilor Jimmy Corales at barangay tanod Rodante Mendoza.
Ayon sa report, binabagtas ni Manipol ang kahabaan ng highway sa Barangay San Felix lulan ng kanyang owner type jeep nang makagitgitan nito sa kalye ang isang barangay mobile patrol na lulan ang mga barangay officials ng Barangay Santisimo bandang alas-3:30 ng hapon.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Malipol at ang limang barangay officials hanggang sa bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at barilin si Manipol na tinamaan sa kanyang tiyan.
Tumakas ang mga barangay officials sakay ng kanilang mobile pero hinabol sila ng mga nagpapatrolyang pulis patungo sa Alaminos Laguna hanggang sa bumangga ang kanilang sasakyan sa isang pampasaherong jeep. (Arnell Ozaeta)