SANTIAGO CITY – Idineklarang drug-free ang Santiago City na minsan nang binansagan bilang drug capital ng Cagayan Valley.
Ito ang inihayag ni City Mayor Amelita Navarro sa kanyang State of the City Address noong Lunes (20 Jan) matapos ma-neutralized ang mga grupo na nagpapakalat ng bawal na droga sa nabanggit na lungsod at karatig lalawigan.
Ayon kay P/Senior Insp. Nestor Garabillo, hepe ng Santiago Cty PNP, ang pagkakadakip sa mga miyembro ng De Leon group na sinasabing responsable sa pagpapakalat ng droga sa lambak ng Cagayan Valley ang naging susi upang tuluyang mawasak ang operasyon ng droga sa nasabing lungsod.
Umaabot sa 35 tulak ng droga ang naaresto habang 30 na gumagamit ng droga ang boluntaryong sumuko at kasalukuyang nakikipagtulungan ngayon sa mga awtoridad para tuluyan nang mawalis ang salot na droga.
Dahil dito, nabawasan ang krimen na may kaugnayan sa droga mula 9 percent noong 2007 sa 6 percent noong 2008 habang ang paglutas naman sa mga kaso ay tumaas mula sa 94 percent hanggang 98 percent. Victor Martin