Obrero sa Hanjin napisak

SUBIC BAY FREEPORT – Isa na namang manggagawa sa loob ng Hanjin shipyard ang iniulat na nasawi habang ang kasamahan nito ay nabalian ng buto makaraang mabagsakan ng bakal kamakalawa ng umaga. Kinilala ni Subic Bay Metropolitan Authority Administrator Armand Arreza, ang biktima na si Raldon Del Rosario, 19, na napisak ang bao ng ulo matapos ma­­bagsakan ng 800 kilong bakal na canvass door, habang si Ca­malao Bochei, 24, kapwa tubong Kalinga, Apa­yao na napila­yan naman. Napag-alamang ikinakabit nang mga tauhan ng Great Steel Con. ang steel base canvas nang bu­mi­gay ang kadena na kinakabitan ng bakal kung saan natiyempuhan naman ang dalawang biktima na kapwa kawani ng Redondo I-Tech Con. Sa tumatayong sub-contractor ng Hanjin. Sinuspindi na ng SBMA ang trabaho sa assembly ng Hanjin kung saan naganap ang insidente. Alex Galang

2 trader dedo sa ambush

LINGAYEN, Pangasinan—Tinambangan at napatay ang dalawang negosyanteng Bumbay habang malubha naman ang isa pa sa panibagong karahasang naganap noong Biyernes sa Sitio Catubig sa Barangay Tara, Bolinao, Pangasinan. Sa ulat na nakarating sa Pangasinan police provincial office, kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Jatinder Singh, 34 at Ajit Sohal,19; samantalang sugatan naman si Malkinder Singh, 35, pawang residente ng Braganza Village sa Alaminos City. Napag-alamang magkakaangkas ang mga biktima sa motorsiklo mula sa paniningil ng pautang sa bayan ng Anda nang dikitan at pagba­barilin ng motorcycle-riding assasins. Pagnanakaw ang isa sa motibo ng krimen dahil tinangay ng mga killer ang mga pitaka at personal na gamit ng tatlo. Cesar Ramirez

3 tiklo sa drug bust

NUEVA ECIJA – Tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na drug pusher ang bumagsak sa bitag ng pulisya makaraang makumpiskahan ng 500 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at iba’t ibang uri ng baril sa isinagawang operasyon sa magkakahiwalay na lugar sa Barangay Maturanoc sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija kamakalawa. Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Alex Cuenco, Ronald “Rey” Cuenco, at si Roderic “Odek” Galicia. Ayon kay P/Chief Insp. Peter B. Madria, hepe ng Guimba PNP, sa bisa ng search warrant ay dinakip ang mga suspek sa kani-kanilang lugar na sinak­sihan nina Kagawad Jojo Absalon, Kagawad Ernesto Gra­ganza, mga opisyal ng nabanggit na barangay. Tugis naman ang isa pang suspek na si Alex Cuenco. Christian Ryan Sta. Ana

Nagutay sa dinamita

CEBU – Nagkagutay-gutay ang katawan ng isang 45-anyos na mangingisda habang sugatan naman ang kanyang misis makaraang masabugan ng dinamita na ginamit nila sa iligal na pangingisda kamakalawa ng umaga sa karagatang sakop ng Barangay Daanlungsod sa bayan ng Medillen, Cebu. Kinilala ng pulisya ang namatay na si Leodegario Godinez, habang ginagamot naman sa Severo Verallo District Hospital si Darlita Godinez,44, kapwa naninirahan sa Sitio Maharohay sa nabanggit na barangay. Sa ulat ni P03 Jovanne Placencia, sinundan ng bangkang de motor ng mag-asawa ang nagkukumpulang isda para hagisan ng pampasabog subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay sumabog mismo sa kamay ni Leodegario ang dinamita na nasa botelya. Namataan naman ng mga awtoridad ang bangka ng mag-asawa. Edwin Ian Melecio

Show comments