BATAAN – Isa na namang pampasaherong aircon bus na may lulang 27 pasahero ang iniulat na hinoldap ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa Roman Superhighway sa Beverly Heights, Barangay Mambog, Hermosa, Bataan kamakalawa ng gabi.
Sa police report na naka rating kay P/Senior Supt. Manuel Gaerlan, provincial police director, nagdeklara ng holdap sa mga pasahero ng Bataan Transit Bus (CWW 437) ang apat na armadong kalalakihan pagsapit sa na banggit na barangay.
Matapos na makulimbat ang mga personal na gamit at salapi ng mga pasahero at cash money ng konduktor ay bumaba ang isang holdaper sa panulukan ng Abucay Café at ang tatlo naman ay bumaba sa kanto ng Brgy. San Jose, Balanga City.
Samantala, sinisi naman ni Gaerlan, ang driver ng bus na si Crisanto Garcia at konduktor na si Michael Dacumus dahil nagsakay ito ng pasahero sa hindi itinalagang mga bus station ng pulisya.
Napag-alamang may kasunduan ang lahat ng management ng bus na may biyaheng Manila-Bataan na ipinatutupad kaugnay sa Bataan Integrated Bus Stop System.
“They are not supposed to pick-up commuters in unsecured areas, we are monitoring and inspecting commuters at designated bus stops,” pahayag ni Gaerlan. Jonie Capalaran