CEBU CITY – Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang babaeng bisor ng call center na natagpuang nangangamoy kamakalawa ng umaga makaraang pagsasaksakin bago isinilid pa sa garbage bag at iniwan sa loob ng hotel sa Mandaue City, Cebu.
Ang biktimang nagtamo ng 24 na saksak ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Lynn-vi Ibareta, 26, ng Barangay Cubacub ng nabanggit na lungsod.
Nilagyan ng masking tape ang buong katawan ng biktima nang nadiskubre sa room 309 ng Nikki Garden Hotel matapos mag-usisa ang mga roomboy dahil sa reklamo ng ibang customer sa nakakasulasok na amoy.
Sa imbestigasyon nina P/Insp. George Aniñon at PO2 Romel Lim, lumilitaw na nag-check-in sa hotel ang nagpakilalang Tina Panganiban ng A.S. Fortuna Street, Mandaue City, at nag-iwan pa ng cell phone number kung saan nadiskubreng pag-aari ng biktima.
Noong Lunes ng Enero 20, sinabi ng front desk officer na si Morina Ybañez, ay nag-check-out na si Panganiban kayat inilagay nila sa log book na out na ito ng gabing iyon.
Subalit noong Huwebes ay nagreklamo ang mga customer sa mga katabing kuwarto ng room 309 dahil sa masangsang na amoy kayat ginalugad ng hotel personnel ang pinagmumulan ng amoy sa nasabing kuwarto hanggang sa matagpuan ang bangkay ng biktima.
Napag-alaman din na ilang araw matapos ang Sinulog Festival ay may mga nagpakilalang kamag-anak ng biktima na dumulog sa himpilan ng pulisya upang ipa-blotter ang pagkawala ng biktima.
May teorya ang pulisya na matinding selos ang isa sa motibo ng krimen habang patuloy naman ang imbestigasyon. Edwin Ian Melecio