Brodkaster na preacher itinumba

Isa na namang kaso ng extra-judicial killing ang naitala makaraang tamba­ngan ang isang brodkaster na preacher ng mga di-pa kilalang kalala­kihan sa Cotabato City kama­kalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Senior Supt. Willie Dangane, provincial police director, ang biktima na si Badrodin Abas, 38, block timer sa dxCM-Radyo Ukay at Islamic preacher.

Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, hinarang ng mga maskara­dong kalalakihan ang mul­ticab ni Abas sa panulukan ng Sin­suat at Quezon Ave­nue da­kong alas-9 ng gabi.

Matapos na pagbabarilin ang biktima sa ulo mabilis na tumakas ang motorcycle-riding assasins patungo sa hindi pa malamang desti­nasyon.

Kabilang sa mga ang­gulong sinisilip ay alitan sa trabaho bilang block time brodkaster habang sinisi­yasat din ang anggulong mis­taken identity, dahil ang kapatid ni Abas ay siyang karaniwang nagmamaneho ng multicab na sinakyan ng nasabing brod­kaster nang maganap ang pananam­bang.

Napag-alaman din na may nakaaway ang kapatid ng biktima noong nakalipas na araw kung saan naka­tanggap din ito ng mga pag­babanta bunga naman ng love triangle.

Sa kasalukuyan, ay inim­bitahan na ng pulisya ang misis ng biktima upang kila­lanin ang mga suspek na na­kunan sa CCTV camera. 

Samantala, kinondena naman ng pamunuan ng National Press Club ang pama­maslang kay Abas at naki­usap kay Pangulong Arroyo na ibalik sa puwesto bilang hepe ang Task Force 211 si Justice Under­secre­tary Ri­cardo Blan­caflor para maak­syunan ang nasabing krimen. (Joy Cantos)

Show comments