Brodkaster na preacher itinumba
Isa na namang kaso ng extra-judicial killing ang naitala makaraang tambangan ang isang brodkaster na preacher ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa Cotabato City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Senior Supt. Willie Dangane, provincial police director, ang biktima na si Badrodin Abas, 38, block timer sa dxCM-Radyo Ukay at Islamic preacher.
Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, hinarang ng mga maskaradong kalalakihan ang multicab ni Abas sa panulukan ng Sinsuat at Quezon Avenue dakong alas-9 ng gabi.
Matapos na pagbabarilin ang biktima sa ulo mabilis na tumakas ang motorcycle-riding assasins patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Kabilang sa mga anggulong sinisilip ay alitan sa trabaho bilang block time brodkaster habang sinisiyasat din ang anggulong mistaken identity, dahil ang kapatid ni Abas ay siyang karaniwang nagmamaneho ng multicab na sinakyan ng nasabing brodkaster nang maganap ang pananambang.
Napag-alaman din na may nakaaway ang kapatid ng biktima noong nakalipas na araw kung saan nakatanggap din ito ng mga pagbabanta bunga naman ng love triangle.
Sa kasalukuyan, ay inimbitahan na ng pulisya ang misis ng biktima upang kilalanin ang mga suspek na nakunan sa CCTV camera.
Samantala, kinondena naman ng pamunuan ng National Press Club ang pamamaslang kay Abas at nakiusap kay Pangulong Arroyo na ibalik sa puwesto bilang hepe ang Task Force 211 si Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor para maaksyunan ang nasabing krimen. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending