Tinedyer nakuryente sa sunog
CEBU – Isang 17-anyos na lalaki ang iniulat na namatay matapos na makuryente habang sinisikap na apulahin ang apoy na tumupok sa bahay ng kaniyang amo sa Barangay Poblacion-II, Carcar City, Cebu noong Lunes nang gabi. Kinilala ang nasawi na si Mark Anthony Alesna, kasambahay ng negosyanteng si Dante Alcorisa. Ayon kay FO1 Teodoro Lauglaug ng Carcar Fire Sub-Station, nagmula ang apoy sa ikalawang palapag ng tahanan ng pamilya Alcorisa matapos na makarinig ng pagsabog kaya nadamay ang ilang kabahayan at palengke sa nabanggit na barangay. Napag-alamang kumuha ng timba at tubig ang biktima saka binuhusan ang apoy, subalit ‘di-namalayan na ang talop na linya ng kuryente ay kanyang natapakan kaya naganap ang pagsalubong ni kamatayan. Kaagad naman inilabas ng mga kapitbahay ang biktima at sinubukang dalhin sa Carcar City District Hospital subalit idineklara itong patay. (Edwin Ian Melecio)
- Latest
- Trending