Sulyap Balita

P1M ari-arian naabo

MALOLOS CITY, Bulacan —Tinatayang aabot sa P1milyong halaga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang garments section sa isang mall sa Meycauayan City, Bulacan kahapon ng madaling-araw. Ayon kay Supt. Absalom Zipagan, director ng Bureau of Fire Protection sa Bulacan, pasado alas-2 ng madaling-araw nang magsi­mu­lang masunog ang Star Budget Shopping Arcade na sina­sabing dating sinehan na matatagpuan sa Mac Arthur Highway sa Brgy. Calvario. Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na tumagal ng dalawang oras bago nai-deklarang fire out. Wala namang naiulat na nasugatan o kaya namatay na sina­sabing faulty electrical wiring ang pinagmulan ng apoy. Ayon pa sa ulat, may natagpuang methane at mga pandikit sa gitnang bahagi ng garments section.  (Dino Balabo)

Pulis na holdaper, arestado

LUCENA CITY, Quezon – Kalaboso ang isang pulis-Gumaca na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng hol­dapan at carnapping makaraang arestuhin ng pulisya sa Brgy. Bayanihan, San Narciso, Quezon may ilang araw na ang nakalipas. Kinilala ni PRO-4A regional director chief P/Supt. Perfecto Palad, ang suspek na si SPO1 Bernardo Banares, 53. Nakumpiska sa suspek ang dala­wang nakaw na motorsiklo, baril na walang lisensya, dala­wang granada at mga ibat-ibang bala ng baril. Samantala, tugis naman ng pulis ang iba pang suspek na sina Rangie Ausa, Jojo Marino, Arnold Quintana, Erick Banayo at tat­long iba pa. Sa tala ng pulisya, ang grupo ng suspek ay res­­ponsable sa P.2 milyong nakawan sa Salome Port, Brgy Villa Bota, Gumaca noong December 18. (Tony Sandoval)

‘Kaanak ng alkalde’ namaril

CAVITE – Binaril at napatay ang isang 22-anyos na binata ng isang kawani ng munisipyo na sinasabing malapit na kaanak ng alkalde sa bayan ng General Mariano Alvarez, Cavite, kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo at idineklarang patay sa St. Mazenod Hospital ang biktimang si Michael Lipatan ng Blk 9 excess lot sa Brgy Ramon Cruz. Samantala, tugis ng pulisya ang suspek na si Nicon Echevarria Jr., 27, kawani sa munisipyo ng Gen Mariano Alvarez, Cavite at residente ng Blk 3 Lot 20 Samaka Site sa Brgy Maderan. Sa imbestigasyon ni PO1 Ronald Manig, papauwi na ang biktima nang harangin at barilin ng suspek na lango sa alak. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. (Cristina Timbang)

Minero lasog sa dinamita

CAMARINES NORTE – Nalasog ang katawan ng isang 30-anyos na minero na sinasabing nalugi sa ne­gosyong minahan makaraang mag-suicide gamit ang di­na­mita sa loob ng palikuran ng kanilang bahay sa Purok 3, Brgy Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte, kamakalawa ng hapon. Bandang alas-4:30 ng hapon nang matagpuan ang gutay na katawan ng biktimang si Rowell Binoto, financier ng isang maliit na minahan sa Brgy Tugos sa bayan ng Paracale. Sa ulat ng pulisya, lumalabas na nitong mga nakalipas na araw ay tahimik at aburido sa buhay ang biktima dahil sa walang income na pumapasok sa kanyang hanapbuhay bilang isang financier at dahil sa malaking halaga ang nawala ay pinaniniwalaang kinitil nito ang kanyang buhay sa pamamagitan ng dinamita. (Francis Elevado)

Kapatas ng DPWH itinumba

LEGAZPI CITY, Albay –Isang 49-anyos na kapatas ng lokal na sangay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang iniulat na napaslang maka­raang ratratin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa project site sa Brgy. Tagbo-an, Cataingan, Masbate, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Noli Bucsay ng Barangay Nabangig sa bayan ng Palanas, Masbate. Base sa police report, nakatayo ang biktima sa gina­ga­wang kalsada nang lapitan at pagbabarilin ng isa sa da­lawang lalaki na sakay ng motorsiklo. May teorya ang pulisya na mga manggagawa na sinibak sa trabaho ng biktima ang nasa likod ng pamamaslang. (Ed Casulla)

Show comments