CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawang hinete ang kalaboso makaraang pagsasaksakin ang 11-kabayong pangarera na nagkakahalaga ng P7 milyon at pag-aari ni Tarlac 3rd District Representative Jeci Lapus habang nasa loob ng kwadra sa bayan ng Carmona, Cavite noong Linggo ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director ang mga suspek na sina Melvin Villegas, 28, tubong Basuaga, Palawan at Arvin Capati ng Guagua, Pampanga, kapwa stay-in racehorse jockey ng San Lazaro Leisure Park (SLLP) sa Barangay Lantic ng nabanggit na bayan.
Ayon sa report, bandang alas-4 ng madaling-araw nang magising ang caretaker na si Nida Dacanay sa ingay ng mga kabayo at laking gulat nalang nito nang makita na ang kabayong si “Serious Susie” ay may nakatarak na kutsilyo sa ulo bandang alas-4 ng umaga.
Nang magsiyasat pa si Dacanay, napag-alaman pa nito na sampu pa sa mga alagang mamahaling kabayo ang may mga saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan na kinilalang sina Grey Magic, Red Lotus; Karma and Gondor General Onay, Harod’s Magic, Mountain Cat and Liver Action.
Mabilis namang nadakip sina Villegas at Capati, samantalang tinutugis naman ang iba pang suspek kabilang na si Rolando “Longlong” Paja Entino, 28, tubong Abuyog, Leyte.
Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng nag-ugat ang pananaksak sa mga kabayo sa naging awayan ng mga caretaker ni Rep. Lapus at sa mga hinete nito. (Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)