BATANGAS CITY, Batangas – Dahil sa pang-iinsultong ginawa ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki ng isang 70-anyos na lolo habang nasa kritikal na kondisyon naman ang mag-ama kahapon ng hapon sa Brgy. Cuta Duluhan, Batangas City. Kinilala ng pulisya ang nasawing si Adonis Roque, samantalang ginagamot naman sa Batangas Regional Hospital ang kanyang kapatid na si Norie Roque at amang si June Roque. Ayon sa police report, bumibili ng aso, ang suspek na si James Serrano nang nakursunadahan ng mag-aama sa di-nabatid na dahilan. Dahil doon, umalis si Serrano na masama ang loob at nang bumalik ay niratrat ang mga biktima sa mismong bahay nila. Tugis naman ng pulisya si Serrano na mabilis na nakatakas. (Arnell Ozaeta)
Makulit na senglot tinodas
CAVITE – Dahil sa kakulitan sa pagkalango sa alak, binaril at napatay ang isang 25-anyos na magsasaka ng kanyang bayaw kamakalawa ng gabi sa bisinidad ng Brgy. Ginhawa, Tagaytay City, Cavite. Napuruhan sa dibdib si Dennis Ronario ng Barangay Anuling, Mendez. Samantala, sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si SFO2 Moreno Roraldo, 49, may asawa, nakatalaga sa nabanggit na lungsod. Sa imbestigasyon ni PO1 Joseph Balsemado, nakulitan ang suspek sa inasal ng kanyang bayaw dahil sa nagpupumilit itong matulog sa kanilang bahay. Tinangka pang tagain ng biktima ang suspek subalit naunahan ito ng putok ng baril. (Cristina Timbang)
Lola kinatay ni lolo
BINALONAN, Pangasinan – Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 75-anyos na lola ng kanyang asawang 78-anyos na lolo na pinaniniwalaang may diprensya sa pag-iisip noong Biyernes sa Brgy. Pasileng Sur, ng Balaoan, Pangasinan. Kinilala ni SPO1 Jun Culiao, ang biktima na si Dionisia Soriano habang nakakulong naman ang suspek na si Alejandro Soriano. Naganap ang krimen sa tahanan ng anak ng mag-asawang matanda. Napag-alaman kay SPO1 Culiao na tatlo sa anak ng mag-asawa ay nasa Spain. Sa beripikasyon ng pulisya, dalawang kamag-anak na ang napapatay ng suspek simula noong 1967 at 1990 subalit iniuurong ang demanda. Pinayuhan ng pulisya ang pamilya ng suspek na dalhin sa mental hospital ang suspek para hindi makapanakit kapag nailabas sa kulungan. (Eva Visperas)