Kinidnap ng mga armadong kalalakihan na sinasabing miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group ang tatlong volunteer ng International Committee of the Red Cross (ICRC) sa bayan ng Patikul, Sulu noong Huwebes ng tanghali.
Kabilang sa mga biktimang dinukot sa bisinidad ng Sulu Museum ay sina Andreas Notter, Swiss national; Eugenio Vagni, Italian national at ang Pinay na si Jean Lacaba.
Napag-alamang si Notter ay pinuno ng ICRC na nakabase sa Zamboanga City na nagsasagawa ng humanitarian mission.
Base sa ulat ng Task Force Comet na pinamumunuan ni Major Gen. Juancho Sabban, naitala ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali sa bisinidad ng Sulu Museum.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng behikulo ng Philippine National Red Cross (PNRC) nang harangin ng mga armadong kalalakihan.
Narekober naman sa follow up operations ng Joint Task Force Comet operatives ang inabandonang sasakyan ng PNRC sa bayan ng Patikul.
Ang tatlo ay nagtungo sa Sulu noong Enero 13 para bumisita sa humanitarian activities at dapat ay pabalik na sa Zamboanga City kahapon pero nabigong makasakay sa kanilang flight.
Ayon sa ulat, huling namataan ang mga kidnaper patungo sa direksyon ng Bud Pula na kilalang balwarte ng grupo nina Abu Sayyaf Commanders Albader Parad at Doc Abu Pula na kapwa notoryus sa kidnap-for-ransom gang.