Sulyap Balita
5 MILF todas sa bakbakan
COTABATO CITY – Tinatayang aabot sa limang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na napatay habang dalawang kawal ng Phil. Army ang nasugatan sa panibagong pagsiklab ng madugong sagupaan ng magkalabang puwersa sa liblib na bahagi ng Datu Saudi sa Maguindanao kahapon. Base sa ulat ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, sumiklab ang bakbakan kung saan naunang nagpaputok ng mga baril ang mga rebeldeng MILF sa pamumuno ng radical preacher na si Ustadz Wahid Tundok sa paparating na tropa ng 46th Infantry Battalion ng Phil. Army ang nagsasagawa ng beripikasyon sa presensya ng mga armadong grupo na sinasabing nangingikil ng pagkain at salapi sa mga residente sa Barangay Tatapan. Kinumpirma naman ng mga lokal na opisyal ng bayan ng Datu Saudi, Datu Piang at bayan ng Guindulungan na dalawa sa limang tauhan ni Tundok na sina Tatoh Salamn at Nasser Kamid, ay napatay sa sagupaan. Kinilala naman ni Lt. Col. Julietyo Ando, spokesman ng Army’s 6th Infantry Divison, ang mga sugatang sundalo na sina Sgt. Ronald Comejo at Pfc Jessie Tejamo. (John Unson)
4 holdaper arestado
LUCENA CITY, Quezon – Apat na kalalakihan na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan ang bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas sa isinagawang operasyon sa pinagkukutaan ng grupo sa Purok Matahimik, Barangay Cotta, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng hapon. Pormal na kinasuhan ni P/ Supt. Ronaldo Genaro Ylagan, hepe ng Lucena City PNP, ang mga suspek na sina Roberto Garcia, 28; Mamert “Totoy” Mondante, 23; Rolando “Bara” Baldobar, 40; at si Jaime Mariveles, 44. Naaresto ang mga suspek sa tulong ng ilang residente sa nabanggit na barangay kung saan nasamsam ng pulisya ang ilang gamit sa modus operandi ng apat. Napag-alamang si Mariveles ay sinasabing sangkot sa nakawan sa bodega ng RC Cola at panghoholdap sa mag-asawang trader noong Enero 6. (Tony Sandoval)
Kabesa umawat sa gulo, tinodas
BULACAN – Dalawa-katao kabilang ang barangay chairman ang iniulat na napaslang sa naganap na kaguluhan kamakalawa ng gabi sa Sitio Tulay na Patpat sa Barangay Basuit sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan. Kabilang sa namatay ay sina Barangay Chairman Leonardo Cruz, 57, at Levi Mempin, 28. Sa police report na isinumite kay P/Chief Insp. Rizalino Andaya, rumesponde at umawat sa kaguluhan si Chairman Cruz sa kinasasangkutan nina Jhonnie at Jerome Sanguyo. Matapos payapain ng biktima ang kaguluhan ay umentra si Mempin at sinaksak sa likuran si Cruz. Kahit grabe ang sugat ay nakuhang paputukan ng baril at mapatay ni Chairman Cruz si Mempin. (Romeo “Boy” Cruz)
Airman itinumba ng pulis
Dahil sa masamang tingin, isang personnel ng Philippine Air Force ang iniulat na nasawi habang sugatan naman ang kapatid nito makaraang pagbabarilin ng pulis sa Cotabato City kamakalawa ng gabi. Kinilala ang nasawi na si Airman 2nd Class Norberto Barcenas Jr., habang sugatan ang nakababatang utol nito na si Cris. Tugis naman ng pulisya ang suspek na si PO1 Jihad Utto, isa sa mga escort ni P/Supt. Bahnarin Kamaong, hepe ng 15th Regional Mobile Group sa ARMM. Nabatid sa police report na nakarating sa Camp Crame, lango sa alak na naglalakad ang mag-utol nang mapatingin sila kay PO1 Utto na nakatayo sa harapan ng bahay ni P/Supt. Kamaong. Kinumpronta ni PO1 Utto ang dalawa dahil sa masamang tingin sabay na pinagbabaril kung saan agad na kinoberan ni Norberto ang kapatid kaya’t ito ang nagtamo ng matinding pinsala. Sa salaysay ng batang Barcenas, pinaputukan pa sila ng may walong pulis na pinaniniwalaang kasamahan ni PO1 Utto habang patungo sa ospital. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending