ILOILO CITY – Muling nagbalik ang operasyon ng Caticlan Airport sa bayan ng Malay, Aklan matapos ang isang araw mula ng sumablay sa runway ang eroplano ng Zest Airways na may lulang 21 pasahero at 5-crew.
Nabatid na nailabas na sa ospital ang 17- nasugatang maliban kay Rowena Ver zosa ng Quezon City na ninais na lumipat sa ospital sa Maynila dahil sa tinamo nitong bali sa kanyang kanang braso at iba pang parte ng katawan.
Kabilang sa mga pasahero na naisugod sa Caticlan Baptist Hospital ay ang limang dayuhan na sina James Peter Tauerman, German doctor; kasamahang Aleman na si Bernd Doehler; Canadian Mark Samson, at mga Koreano na sina Jun Tin Sun at Koi Dong Dyu.
Sinabi naman ni Zipporah Zabala, officer-on-duty sa Caticlan Airport na sa ngayon ay sinimulan na ng grupo ni Hilario Cabugon ng Safety Department ng Civil Aviation Authority, ang imbestigasyon kung saan nag-overshoot sa runway ang Zest Airways Flight RIT 865 na pinalipad nina Capt. Vicente Gaza Jr. at co-pilot na si Jeffrey Lim noong Linggo ng hapon.
Gayon pa man, wala pa rin konkretong ebidensiya na magtuturo kung ano ang dahilan ng nasabing plane crash landing maliban sa malakas na hangin.
Sa kasalukuyan ay nanatili pa rin sa parking bay number 1 ang nawasak na 56-seater plane na gawa sa China. (Ronilo Pamonag)