Umaabot na sa 100,000-katao ang iniulat na na apektuhan sa pananalasa ng tubig-baha sa mga lungsod ng Cagayan de Oro, Gingoog at 13 bayan ng Misamis Oriental na ikinasawi ng 5-katao habang 13 iba pa ang nawawala, ayon sa ulat kahapon.
Base sa ulat ng City Disaster Coordinating Council, naitala sa 29,000 pamilya ang sinalanta ng malawakang pagbaha mula sa 32 barangay sa Cagayan de Oro City.
Kabilang sa mga apektado ng tubig-baha ay ang mga Barangay Macasandig, Carmen, Puntod, Lapasan, Bugo, Consolacion, Iponan, Bulua at ang Barangay Kauswagan.
Ayon kay Criselda Joson, ground commander ng City Disaster Coordinating Council (CDCC), nasa 31 kabahayan sa Brgy. Bugo ang bahagyang napinsala ng pagbaha.
Napag-alaman, na isang bata rin ang nasawi matapos malunod sa tubig-baha sa Brgy. Pagatpat habang apat na bata naman ang nawawala matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig-baha.
Naitala naman sa 18,650 pamilya ang apektado ng tubig-baha sa 13 bayan sa Misamis Oriental at Gingoog City kung saan 5-katao ang nalunod na inaalam pa ang pagkakakilanlan at patuloy ang search and rescue operations sa mga nawawala pang biktima.
Nabatid na nasa 15 paaralan na ang nagdeklara ng walang pasok ngayong araw dulot ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa mga nasabing lugar.
Ayon naman kay Gingoog City Mayor Ruthie de Lara Guingona, nasira rin ang Agay-ay Bridge kung saan nag-crack ang first lane nito kaya nahirapang makatawid ang mga sasakyan lalo na ang mga malalaki tulad ng bus at cargo truck.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga lokal na opisyal ang mga residente na isagawa ang kaukulang pag-iingat upang makaiwas sa pinsala ng kalamidad.
Ang flashflood ay sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa lugar simula pa noong nakalipas na linggo. (Joy Cantos)