ILOILO CITY – Umaabot sa 17-katao kabilang ang limang banyaga at dalawang ground crew ang iniulat na nasugatan makaraang mag-undershot sa runway ang eroplano ng Zest Air MA60 (dating Asian Spirit) sa Caticlan Airport sa Aklan kahapon ng umaga.
Kabilang sa 20 katao na nasa Caticlan Baptist Hospital ay ang limang dayuhan ang iniulat na nasugatan base sa ulat ni Jodel Rentillo ng Radio Boracay, ay sina James Peter Tauerman, German doctor; kasamahang Aleman na si Bernd Doehler; Canadian Mark Samson, at mga Koreano na sina Jun Tin Sun at Koi Dong Dyu.
Maging si Rowena Versoza, 40, ng Quezon City ay nagka-fractures sa leeg at da lawang braso at si Evelyn Ranoa, 29, ng Sta. Mesa, Maynila ay nanatiling nakatulala.
Nabatid din na ang security guard na si Rodgen Arca ay tinamaan sa bibig ng debris habang si Nestor Salay naman ay nasugatan sa tuhod matapos madapa sa pag-iwas sa naganap na insidente.
Hindi naman nakapagbigay ng komento si Mejan Torres ng Caticlan Air Transportation Office sa posibleng dahilan ng insidente na naganap dakong alas-6:57 ng umaga.
Ayon kay Torres, ang nasabing eroplano na pinalipad ng isang nagngangalang Captain Vicente Gaso at co pilot Jeffrey Lim ay natanggalan ng kaliwang propeller sa makina at mapalad na hindi nagliyab dahil na rin sa mabilis na responde ng airport crash fire and rescue units kaya nabomba ng kemikal sa mga makina na umaandar na rin kahit na bumangga sa kongkretong safety barrier na proteksyon ng isang coffee shop sa loob ng terminal.
Dahil sa insidente, pansamantalang ipinasara ang runway sa air traffic na nakaapekto sa flight ng ilang eroplano at binuksan naman para sa normal operations bandang alas-12:15 ng hapon.
Kasalukuyan naman iniimbestigahan na ng pangkat ng Civil Aviation Authority of the Phils. (CAAP) ang naganap na insidente. (Dagdag ulat nina Danilo Garcia at Ellen Fernando)