Landslide: Mag-asawa, 5 anak patay
Malagim na kamatayan ang sinapit ng mag-asawa at lima nitong anak makaraan maguhuan ng lupa ang kanilang tahanan sa paanan ng bundok sa bayan ng Lavezares, Northern Samar noong Sabado ng madaling-araw.
Sa report ng Regional Disaster Coordinating Council, kinilala ang mga nasawi na sina Gemma dela Cruz, 32, apat na buwang buntis; asawa nitong si Edwin, 31, mga anak na sina Dina, 5; Ina, 4; Carla, 2 ; Rowena, 1; at ang sanggol sa sinapupunan ni Gemma na apat na buwan.
Bandang ala-una ng madaling-araw nang gumuho ang lupa mula sa kabundukan habang magkakatabing natutulog ang pamilya dela Cruz sa kanilang tahanan sa Barangay Ocad kung saan bumuhos ang malakas na ulan may ilang araw na ang nakalipas.
Ayon naman sa ulat ng Lavezares PNP, dalawa rin ang malubhang nasugatan na nakilala namang sina Pacita Esplana at Victor Espina, 42, na kapwa nasa Northern Samar Provincial Hospital sa bayan ng Catarman.
Ayon sa imbestigasyon, agad na nasawi ang mga biktima dahil sa putik na tumabon sa tahanan ng mga ito na may kasamang malalaking tipak na bato at tubig.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ng mga lokal na opisyal ang mga residente sa mga tinaguriang landslide prone areas na isagawa ang kaukulang pag-iingat. Joy Cantos
- Latest
- Trending