NUEVA ECIJA – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa isang 37-anyos na babae makaraang pagnakawan ay pinagtulungan pang saksakin at sakalin ng mga di-kilalang lalaki sa loob ng kaniyang tahanan sa Barangay Natividad North sa bayan ng Cabiao, Nueva Ecija, kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Helen Nicolas. Ayon kay SPO3 Bonifacio Suva, nadiskubre ang krimen matapos tumawag ang isang residente na may natagpuang patay na babae noong Miyerkules sa nasabing lugar. Kasalukuyan namang iniimbistigahan ang naganap na krimen. Christian Ryan Sta. Ana
Dumalaw sa syota, nilikida
LEGAZPI CITY – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang tauhan ng Bureau of Fire Protection makaraan itong dumalaw sa kanyang syota kamakalawa ng gabi sa Barangay Travesia, sa bayan ng Guinubatan, Albay. Napuruhan sa ulo ng bala ng baril si FO1 Ranzel Avila, nakatalaga sa Sorsogon City at residente ng Barangay Cagraran, Jovellar, Albay. Batay sa ulat ng pulisya, papauwi na ang biktima mula sa pagbisita sa kanyang kasintahan nang harangin at ratratin ng di-pa kilalang lalaki. Ed Casulla
2 ‘sinalvage’ sa Cavite
CAVITE – Dalawa-katao ang iniulat na pinaslang ng mga di-pa kilalang kalalakihan sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa. Base sa police report, Napagtripang barilin at namatay si Norlito Jesus Bautista, 29, sa kahabaan ng Molino Road sa Brgy. Paliparan 3, Dasmarinas. Si Bautista ay papauwi na sana sa Brgy. Sampaloc nang paslangin. Samantala, ang matandang lalaki na may sakit na polyo ay sinaksak at itinapon sa bahagi ng Brgy. Zone 3 sa bayan ng Dasmarinas, Cavite. Habang sinusulat ang balitang ito ay inaalam pa ng pulisya ang pagkikilanlan ng biktima na nakasuot ng puting t-shirt at maong pants at may edad na 67 hanggang 70-anyos. Cristina Timbang
Holdaper utas sa shootout
LUCENA CITY – Napatay kahapon sa pakikipagbarilan sa mga pulis-Lucena ang isa sa tatlong kalalakihan na sangkot sa panghoholdap sa mag-asawang trader sa Purok Maulawin sa Barangay Isabang, Lucena City, Quezon. Nakilala ang suspek sa kanyang identification card na si Alfredo Flores. Ayon kay SPO4 Renato Pelobello, nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa pamumuno ni SPO4 Joe Foster matapos holdapin ng mga suspek ang mag-asawang negosyante. Namataan naman ng pulisya ang van na sinasakyan ng mga suspek na nakipagbarilin sa mga awtoridad hanggang sa mapatay si Flores habang nakatakas naman ang dalawa. Tony Sandoval