Isa na namang kaso ng kidnapping ang naitala sa Surigao del Norte makaraang dukutin ang may-ari ng ban ko ng mga armadong kalalakihan sa Ceniza Heights Subdivision sa Surigao City noong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Johnson Cuiting, owner-manager ng Rural Bank of Placer sa Surigao City.
Sa phone interview, sinabi ni P/Insp. Alejandro Resimo, hepe ng Placer PNP, naitala ang insidente sa pagitan ng alas-9 at alas-10 ng gabi sa bahay mismo ni Cuiting sa nasabing subdivision.
Base sa police report, kasalukuyang papasok na si Cuiting sa gate ng kanyang tahanan nang harangin ng mga armadong kalalakihan.
“Papasok na siya ng bahay, ‘dun siya inabangan,” pahayag ni Resimo na sinabi pang dinala pa ang biktima sa loob ng kanyang bahay, kung saan kinuha ng mga kidnaper ang ‘di-pa mabatid na halaga ng alahas.
Matapos pagnakawan, isinakay ng mga kidnaper ang bank owner sa kanyang sasakyan na tumahak patungo sa di-pa mabatid na lugar.
Sa isinagawang follow-up operations ng pulisya, narekober ang sasakyan ng biktima na inabandona sa kahabaan ng national highway na sakop ng Barangay Sibog papasok ng bayan ng Placer.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. Joy Cantos