Sulyap Balita
1 patay, 17 sugatan sa sakuna
LEGAZPI CITY, Albay – Kamatayan ang sumalubong sa isang bus konduktor habang 17 iba pa ang iniulat na nasugatan makaraang sumalpok sa likurang bahagi ng trailer truck ang pampasaherong bus sa kahabaan ng Andaya Highway Sr. sa Barangay Colacling sa bayan ng Lupi, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Kinilala ang nasawi na si Glen Mercado, samantalang naisugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Allan Doringo, drayber; Maria Bongat, Graeme Chick, Oscar Anonuevo, Keesha Anonuevo, Gail Anonuevo, Emerlina Anonuevo, Crisencia Constante, Glory Maria Constante, Estelita Rangasan, Lourdes Fernandez, Rosalita Lipon, Rey Coles, Bernardo Palaje, Lolita Palaje, Rodolfo Dioneda, at si Fe Dieoneda. Batay sa ulat ng pulisya, nakaparada sa gilid ng highway ang trailer truck (XHG 945) ni Enrico Morata nang salpukin ng Raymund Bus (TXA 686). (Ed Casulla)
15 nadale ng diarrhea
CAMARINES NORTE – Aabot sa 15-katao kabilang ang apat na sanggol ang iniulat na na-ospital makaraang madale ng diarrhea sanhi ng kontaminadong tubig inumin sa Barangay Banocboc, Calaguas IsIands sa bayan ng Vinzons, Camarines Norte. Sa isinagawang ocular inspection ng mga awtoridad lumalabas na isa sa dahilan ng diarrhea ay ang kawalan ng palikuran at pinagkukunan ng tubig inumin ay kinukuha lamang sa balon na sakop ng Purok 4 ng nabanggit na barangay. Ayon sa lokal na sangay ng Department of Health, walang outbreak ng diarrhea sa nabanggit na bayan. Pinayuhan ng mga opisyal ng provincial health unit ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at pakuluin muna ang tubig bago inumin. (Francis Elevado)
OFW dedo sa road mishap
BATANGAS – Isang 34-anyos na overseas Filipino workers (OFW) ang iniulat na nasawi samantalang sugatan naman ang dalawa sa mga kasamahan nito makaraang sumalpok ang kanilang motorsiklo sa kasalubong na kotse sa kahabaan ng JP Laurel Street sa Barangay 11 sa bayan ng Nasugbu, Batangas kamakalawa ng gabi. Kinilala ni P/Supt. Nilo Maitim, hepe ng pulisya sa Nasugbu, ang biktimang seaman na si Bernandy Rivera ng Barangay Binubusan, Lian, Batangas, na namatay habang ginagamot sa Doctor’s General Hospital. Sugatan naman ang mga kaangkas sa motorsiklo na sina Angelito Johnson, 34, isa ring seaman at Lynevic Acedillo Ocampo, 45. Sa imbestigasyon, lumitaw na nawalan ng control sa motorsiklo (WN5738) si Rivera hanggang sa sumalpok sa kasalubong na Nissan Sedan (PLP-891) ni Engineer Ruelito Ocampo na kaagad naman tumakas matapos ang road mishap. (Arnell Ozaeta)
4 MILF rebs utas sa bakbakan
Apat na miyembro ng pasaway na grupo ng Moro Islamic Liberation Front ang iniulat na nasawi samantalang dalawa naman militar ang nasugatan sa naganap na panibagong engkuwentro sa liblib na bahagi ng Midsayap, North Cotabato kamakalawa ng gabi. Batay sa report na nakarating kahapon sa tanggapan ng Army’s 6th Infantry Division (ID), sumiklab ang sagupaan sa bahagi ng Brgy. Cabpangi sa bayan ng Pig kawayan. Ang sagupaan ay nag-ugat matapos na lusubin ng mga rebeldeng MILF ang nasabing lugar at puwersahang kinuha ang mga pagkain saka alagang hayop ng mga residente. Rumesponde naman ang tropa ng Army’s 6th Infantry Battalion (IB) kasama ang ilang Cafgu na nagresulta sa madugong bakbakan. Umabot naman sa 209 residente ang napilitang lumikas sa takot na maipit sa sagupaan habang nagpapatuloy ang opensiba ng militar. (Joy Cantos)
Konsehal inutas dahil sa lupa
NUEVA ECIJA – Isang konsehal ng barangay ang iniulat na napaslang makaraang pagbabarilin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa Barangay Panabingan ng bayan ng San Antonio, Nueva Ecija, kamakalawa. Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Ricardo Marquez, Nueva Ecija police director, nakilala ang biktimang si Kagawad Benito Velrio ng Barangay Panabingan. Nabatid na nakaupo at nakikipag-usap ang biktima sa labas ng sari-sari store ni Flora Arcangel nang lapitan at ratratin subalit nagmintis ang suspek. Nakatakbo pa ang biktima pero ang isa sa dalawa ay bumaba ng motorsiklo at pinagbabaril ang biktima sa ulo. Sinisilip ng mga awtoridad ang land dispute na sinasabing isa sa motibo ng krimen. (Christian Ryan Sta. Ana)
- Latest
- Trending