DAGUPAN CITY — Isang 26-anyos na binata ang iniulat na nagpatiwakal makaraang makaranas ng matinding depresyon sa loob ng kanilang bahay sa Kalye Guapo sa Barangay Bonuan Gueset sa Dagupan City, Pangasinan kamakalawa ng umaga. Natagpuang nakabitin ang biktimang si Eric dela Rosa. Base sa police report, lumilitaw na tinangka na ring mag-suicide ng biktima noong Hulyo 2007 at noong 2008 subalit nahahadlangan ng kanyang pamilya. Narekober naman ng pulisya ang iniwang suicide note ng biktima sa nasabing lugar. (Cesar Ramirez)
Kamatayan sa beach resort
LINGAYEN, Pangasinan — Luksang Bagong Taon ang sumalubong sa pamilya ng isang 21-anyos na lalaki makaraan itong malunod sa Lingayen beach resort sa Pangasinan noong Biyernes ng hapon. Sa ulat na nakarating sa Pangasinan police provincial office kahapon, kinilala ang biktimang si Jerald Rodriguez ng Kaunlaran Aglipay sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija. Base sa police report, nagkatuwaang maligo sa nasabing beach ang biktima kasama ang kanyang dalawang kaibigan nang maganap ang insidente. Napag-alamang tinangay ng malakas na alon ang biktima hanggang sa mapadpad sa malalim na bahagi ng beach. Makaraan ang limang minuto ay narekober ang katawan ni Rodriguez subalit namatay rin habang ginagamot sa Sto. Niño Hospital. (Cesar Ramirez)
Karibal sa panliligaw dinedo
LEGAZPI CITY, Albay — Pinaniniwalaang matinding selos ang isa sa motibo kaya pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang 25-anyos na lalaki ng kanyang karibal sa panliligaw kamakalawa ng gabi sa Purok 2, Barangay Dangcalan sa bayan ng Donsol, Sorsogon. Nakilala ng pulisya ang biktimang si Delfin Nocido, samantalang tugis naman ng pulisya ang suspek na si Dondon De Borja ng Barangay Tupaz ng nabanggit na bayan. Nabatid sa police report na nakatayo lamang sa gilid ng kalsada ang biktima nang lapitan at saksakin ng suspek. (Ed Casulla)
Trader todas sa holdaper
CAMP OLIVAS, Pampanga — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang trader na sinasabing pumalag sa dalawang holdaper sa Barangay Sto. Rosario, Angeles City, Pampanga kamakalawa. Sa naantalang police report, nakilala ang biktima na si Arwin Ting. Ayon sa ulat, sakay ng van ang biktima nang holdapin ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo. Napag-alamang huminto ang van ng biktima sa harapan ng restaurant nang lapitan ng isa sa dalawang holdaper. Tumanggi naman ibigay ng biktima ang kanyang gold bracelet kaya siya niratrat. Naisugod pa ng drayber ng van sa ospital ang kanyang amo subalit namatay ito. (Ric Sapnu)