RIZAL – Umaabot sa 50 kabahayan na may P5 milyong ari-arian ang iniulat na naabo makaraang masunog dahil sa sinasabing iligal na koneksyon ng kuryente kamakalawa ng gabi sa Floodway, Cainta, Rizal. Ayon kay Cainta Fire Marshall Chief Insp. Arturo Marcos, kasalukuyang nasa kostudiya ng pulisya ang isang nagngangalang Nelson Durante na pinaniniwalaang may iligal na koneksyon ng kuryente at pinagmulan ng sunog. Nagtulung-tulong naman ang may 18 bumbero sa nasabing sunog para apulain ang apoy at idineklarang under control dakong alas-12;52 na ng madaling-araw na nagsimula bandang alas-11:10 ng gabi. Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan sa sunog at pansamantalang nasa barangay health centers at mga eskwelahan ang pamilya ng nasunugan. (Edwin Balasa)